Dagupan City – Umabot sa 350 na kalahok mula sa iba’t ibang sektor ang nakiisa sa coastal cleanup drive na isinagawa dito sa Dagupan City bilang bahagi ng pagdiriwang ng International Coastal Cleanup Day.
Pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region I ang aktibidad na nilahukan ng mga kinatawan mula sa pribadong sektor, local government units (LGUs), national government agencies, at non-government organizations.
Ayon kay Atty. Ronnel C. Sopsop, Regional Executive Director ng DENR Region I, isinagawa nang mas maaga ang aktibidad sa Dagupan dahil kasabay nito ang regional management conference ng mga senior officials ng DENR sa Pangasinan.
Aniya, bagama’t isinagawa nang advance ang coastal cleanup sa Dagupan, magpapatuloy pa rin ang mga aktibidad kaugnay ng International Coastal Cleanup sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon dahil ito ay simultaneously regionwide activity.
Aniya na kabilang sa mga nakolektang basura ang mga plastik, straw, bottle caps at diaper.
Isinasagawa pa ang sorting at pagtitimbang upang matukoy ang eksaktong dami ng nakolektang basura.
Napansin din umano ng DENR na mas kaunti ang basurang nakolekta sa lugar kumpara sa mga naunang ulat, bagama’t patuloy pa ring malaking usapin ang solid waste management.
Binigyang-diin ni Sopsop na hindi lamang usapin sa kalinisan ang wastong pamamahala ng basura.
Maaari rin umanong magkaroon ito ng epekto sa marine wildlife, pagbaha, ekonomiya at kalusugan ng mga mamamayan.
Aniya, ang mga basurang napupunta sa karagatan ay maaaring makain ng mga hayop-dagat, habang ang mga basurang bumabara sa mga daluyan ng tubig ay maaaring magpalala ng pagbaha.
Patuloy rin aniya ang pakikipag-ugnayan ng DENR sa mga LGU sa pamamagitan ng pagbibigay ng technical assistance, kabilang ang solid waste management at paggamit ng geohazard maps upang matukoy ang mga flood-prone areas.
Samantala, patuloy na hinihikayat ng Waste Management Division ng Dagupan City ang publiko na maging responsable sa pagtatapon at paghihiwalay ng basura upang maiwasan ang pagdami ng basura sa mga ilog at dalampasigan.
Ayon kay Bernard Cabison, Head ng Waste Management Division ng Dagupan City, malaking bagay ang isinagawang coastal cleanup dahil naaalis ang mga plastik at iba pang basurang maaaring tangayin patungo sa karagatan.
Aniya, kapag hindi agad nakolekta ang mga plastik na naiipon sa gilid ng dalampasigan, maaari itong mapunta sa gitna ng dagat at maging dagdag na problema sa kapaligiran.
Sinabi rin ni Cabison na napapansin pa rin ang pagtatapon ng basura ng ilang residente sa mga anyong tubig gaya ng mga ilog, na kalaunan ay maaaring mapunta sa dagat.
May umiiral umanong ordinansa sa Dagupan City na nagbabawal sa pagtatapon ng basura sa mga anyong tubig at may kaukulang penalty para sa mga mahuhuling lalabag.
Sa isinagawang clean-up drive, tinatayang isang truck ng basura ang nakolekta, karamihan ay mga plastik.
Dahil dito, hinikayat ni Cabison ang publiko na simulan sa tahanan ang wastong waste segregation.
Aniya, kailangang paghiwalayin ang mga nabubulok, di-nabubulok at recyclable na basura upang mas maging maayos ang pamamahala at pagtatapon ng mga ito.










