Magkahalong lungkot at saya ang naramdaman ng grupong United Filipinos Global-UK sa pagharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ikatlong status conference ng kaniyang kasong crimes against humanity sa International Criminal Court o ICC sa The Hague, Netherlands.

Ayon kay Amik Garceniego, vice chairman ng United Filipinos Global-UK, nakalulungkot umano na mabagal ang usad ng kaso dahil status of the case pa lamang ang tinatalakay, gayong nasa ICC na si Duterte nang mahigit isang taon at kalahati. Hindi rin umano ito katulad sa Pilipinas na may mga itinakdang panahon para sa pag-usad ng mga pagdinig.

Samantala, ikinatuwa naman ni Garceniego na muli niyang nasilayan ang dating pangulo, bagama’t napansin niyang nagbago na ang kaniyang pisikal na anyo. Aminado si Garceniego na naging emosyonal siya at napaiyak nang makita si Duterte. Aniya, mukhang maayos naman ang dating pangulo ngunit hindi nila matiyak ang kaniyang mental na kalagayan dahil hindi nila ito nakausap. Tanging ang kaniyang mga abogado umano ang nakaaalam kung maayos pa ang kaniyang memorya at kondisyon.

--Ads--

Sinabi rin ni Garceniego na maaaring mahirapan nang mapabilis ang paglilitis dahil sa dami ng ebidensiyang kailangang suriin, na umaabot umano sa mahigit 320,000 pahina. Aniya, maging ang mga ebidensiya ay hindi pa lubusang nasusuri batay sa mga argumento ng depensa.

Gayunman, umaasa siyang hindi na muling maaantala ang paglilitis at mabilis na mabibigyan ng hustisya ang kaso, anuman ang maging resulta. Samantala, magsasagawa umano ang grupo ng 3 araw na marathon rally sa Nobyembre 28 hanggang 30 sa ICC grounds kasabay ng unang araw ng pagsasagawa ng paglilitis sa dating pangulo.