Kinumpirma ni Senator Robin Padilla na nakatanggap ito ng subpoena mula sa Department of Justice (DOJ).
May kinalaman ito sa preliminary investigation sa umanoy pagtulong nito para makatakas sa Senado si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa noong Mayo.
Pinapadalo ng DOJ si Padilla at dapat magsumite ng counter-affidavit sa Setyembre 25 at Oktubre 9 dahil sa reklamong obstruction of justice laban sa kaniya.
Magugunitang huling nakita si Dela Rosa noong dumalo sa session ng Senado noong Mayo 13 subalit ito ay tumakas ng Mayo 14 matapos ang pagkakaroon ng putukan sa loob ng Senado.
Inamin ni Padilla na nakisakay palabas sa Senado si Dela Rosa.
Mayroon warrant of arrest si Dela Rosa mula sa International Criminal Court dahil sa papel nito bilang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) noong magpatupad ng war on drugs si dating Pangulong Rodrigo Duterte.









