Tinalakay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Japanese Prime Minister Sanae Takaichi ang pagpapalakas ng ugnayang pangseguridad at pang-ekonomiya ng Pilipinas at Japan sa kanilang bilateral meeting sa sidelines ng ika-49 na ASEAN Summit noong Nobyembre 16.
Ayon kay Hannah Galvez, Bombo International News Correspondent sa Japan, kabilang sa mga pangunahing napag-usapan ng dalawang lider ang kooperasyon sa depensa at seguridad pandagat, kalakalan at pamumuhunan, pagpapaunlad ng imprastraktura, seguridad sa enerhiya at katatagan ng rehiyon.
Kabilang din sa mga tinalakay ang patuloy na suporta ng Japan sa pagpapalakas ng kakayahan ng Pilipinas na pangalagaan ang karagatan at pambansang interes, gayundin ang pagbibigay ng kagamitang pandepensa sa ilalim ng Official Security Assistance o OSA program.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng pagtutulungan ng Pilipinas, Japan at Estados Unidos sa usapin ng seguridad, partikular sa gitna ng tensiyon sa West Philippine Sea, East China Sea at karatig na rehiyon ng Taiwan.
Ayon kay Galvez, nangako ang Japan na ipagpapatuloy ang pagtulong sa pagpapalakas ng kakayahan ng Pilipinas sa pagtatanggol sa teritoryo at pagpapanatili ng seguridad sa karagatan.
Sa larangan naman ng ekonomiya, kabilang sa mga tinalakay ang pagpapatuloy ng mga proyektong pang-imprastraktura ng Japan sa Pilipinas, kabilang ang Luzon Economic Corridor, gayundin ang posibilidad na i-upgrade ang Japan-Philippines Economic Partnership Agreement o JPEPA.
Kasama rin sa mga usapin ang seguridad sa suplay ng enerhiya, langis at nuclear energy, gayundin ang paghahanda ng dalawang bansa sa posibleng pagkaantala ng suplay sa pandaigdigang merkado.










