Dagupan City – Nagsagawa ng “Operation Lumot” ang Waste Management Division ng Dagupan City matapos ang mahigit isang buwang pagbaha sa lungsod.
Ayon kay Bernard Cabison, Head ng Waste Management Division, isinagawa ang operasyon matapos mapansin na marami nang residente ang nadudulas dahil sa lumot na nabuo bunga ng matagal na pagkakababad sa tubig-baha.
Katuwang ng Waste Management Division ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council o MDRRMC sa paglilinis ng mga lugar na apektado ng pagbaha.
Ayon kay Cabison, nakatakda silang magsagawa muli ng operasyon bukas, kung saan inaasahan ding makikiisa ang mga kasamahan mula sa dumpsite.
Aniya, aabot sa hanggang third set ang kanilang paglilinis upang matiyak na maaalis ang mga lumot at madudulas na bahagi sa mga lugar na dinaraanan ng mga residente.
Layunin ng operasyon na maiwasan ang pagkadulas at aksidente, partikular sa mga senior citizen at iba pang indibidwal na pumupunta sa lungsod.
Samantala, nagpaalala naman si Cabison sa publiko na mag-ingat dahil inaasahang mananatili ang mga lumot matapos ang matagal na pagbaha.










