Ipinag-utos na ng Sandiganbayan Third Division ang opisyal na paglipat kay dating House Speaker Martin Romualdez sa Quezon City Jail – Male Dormitory kaugnay ng kaniyang kinakaharap na non-bailable na kasong plunder o pandarambong.

Ang utos ng korte ay kasunod ng isinagawang multi-disciplinary medical examination ng Philippine General Hospital (PGH) sa dating lider ng Kamara matapos ang kaniyang pagkakaaresto nitong nakalipas na linggo.

Lumalabas sa huling pagsusuri na clinically stable na ang kalusugan ng pinsan ng Pangulo at hindi na kinakailangan pa ang patuloy na in-patient confinement sa ospital.

--Ads--

Dahil dito, tuluyan nang iniatas ng Sandiganbayan ang kaniyang transfer mula sa ospital patungo sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Payatas, Quezon City.

Inaasahan namang agad na ipatutupad ng BJMP at ng mga awtoridad ang nasabing utos ng korte upang pormal na maisailalim si Romualdez sa regular na pasilidad ng kulungan habang dumadaloy ang paglilitis sa kaniyang kaso.