Ipinag-utos ng Sandiganbayan Third Division ang paglipat at pagkakadetine ni dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez sa New Quezon City Jail sa Payatas, Quezon City.
Kasunod ito ng resulta ng independent medical examination na isinagawa sa University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) kung saan idineklarang clinically stable si Romualdez at wala nang kinakailangang manatili sa ospital.
Ayon kay UP-PGH Director Dr. Gerardo Legaspi, walang nakitang unstable angina o acute coronary syndrome sa kondisyon ni Romualdez habang nasa ospital.
Lumabas din sa isinagawang dobutamine stress test na mababa ang posibilidad na magkaroon siya ng atake sa puso, habang maaari nang ipagpatuloy ang kaniyang monitoring at gamutan sa labas ng ospital.
Dahil dito, naglabas ang Sandiganbayan ng kautusan para ilipat si Romualdez sa New Quezon City Jail sa Payatas, kung saan siya mananatili bilang detention prisoner.
Si Romualdez ay nahaharap sa P7.4-billion na kasong plunder kaugnay sa umano’y anomalya at kickbacks sa mga flood control project ng pamahalaan.










