Dagupan City – Nagsagawa ang Provincial Government of Pangasinan sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng post-Habagat operations debriefing kasama ang mga response cluster ng lalawigan upang suriin ang naging pagtugon sa magkakasunod na bagyo at epekto ng Enhanced Southwest Monsoon o Habagat.
Pinangunahan ni Vincent Chiu, Head of Operations and Training Unit ng PDRRMO, ang pulong na dinaluhan ng Pangasinan Provincial Police Office, Bureau of Fire Protection, Coast Guard Station Pangasinan at Armed Forces of the Philippines. Tinalakay dito ang mga pangangailangan ng mga response team, partikular ang dagdag na manpower, upang mapabilis at mapalakas ang mga operasyon sa panahon ng kalamidad.
Inilahad naman ni Emergency Operations Center Director Pia Flores ang timeline ng mga weather disturbance na minonitor sa lalawigan, kabilang ang rainfall data, epekto ng Super El Niño sa pagpapalakas ng Habagat at kalagayan ng mga dam na mahigpit na binantayan sa kasagsagan ng tuloy-tuloy na pag-ulan.
Kasama rin sa situational report ang mga barangay na nakaranas ng pagbaha, mga naitalang pinsala at kabuuang bilang ng mga residenteng naapektuhan sa iba’t ibang bayan ng Pangasinan.
Tinalakay din ang naging search and rescue operations, evacuation efforts, roving inspections, relief operations at libreng sakay para sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha. Patuloy ding minonitor ang pagtaas ng tubig sa Agno River, na kilala rin bilang Pangasinan River, kasabay ng pagpapalabas ng mga abiso para sa kaligtasan ng publiko.
Kabilang din sa mga naging tugon ng mga ahensya ang augmentation sa search operations para sa mga nawawalang indibidwal na sangkot sa insidente sa Tarlac, kung saan isa pa ang patuloy na pinaghahanap.
Binigyang-diin sa debriefing ang pagpapalakas ng koordinasyon sa pagitan ng mga response agency, pagsasapamantayan ng mga pamamaraan sa pagtugon, agarang deployment at augmentation ng personnel, at mas mabilis na pagpapalaganap ng opisyal na impormasyon at advisories sa panahon ng emergency.
Sa pagtatapos ng pulong, muling pinagtibay ng mga response cluster ang kanilang pagtutulungan upang mapalakas ang kahandaan at pagtugon ng Pangasinan sa mga susunod pang bagyo, pagbaha at iba pang emergency.










