Dagupan City – Kinumpirma ng mga awtoridad na ang lalaking natagpuang palutang-lutang sa Agno River sa bahagi ng bayan ng Santa Maria nitong madaling-araw ng Setyembre 13, 2026, ay ang naiulat na nawawalang residente ng karatig-bayan ng San Nicolas.
Kinilala ang biktima ng kaniyang sariling pamilya na si Arman R. Ferrer, 45 taong gulang, na nagmula sa Barangay Sobol, San Nicolas.
Batay sa ulat ng mga kapulisan, natagpuan ang labi ni Ferrer matapos mapansin ng ilang residente ang isang bangkay na nakalutang sa ilog.
Agad itong ipinagbigay-alam sa mga awtoridad kaya’t mabilis na nagkasa ng retrieval operation ang mga tauhan ng Santa Maria Municipal Police Station, Santa Maria MDRRMO, at Bureau of Fire Protection (BFP).
Batay umano sa pamilya, halos isang buwan na nilang pinaghahanap ang biktima kung saan huling nakauwi sa kaniyang tahanan noong Agosto 18 bago muling umalis, at huli umano itong nakitang buhay sa Barangay Legaspi sa bayan ng Tayug bago tuluyang nawalan ng contact.
Sa kasalukuyan, hawak na ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang kaso upang suriin ang labi at alamin ang eksaktong sanhi ng kaniyang pagkamatay, kabilang na ang pagtukoy kung may naganap na foul play sa nasabing insidente.
Samantala, nagpaabot na rin ng opisyal na pakikiramay ang Lokal na Pamahalaan ng San Nicolas sa pamilyang naulila ng biktima.










