Malaking dagok sa hanay ng transport sector ang patuloy na pagtaas ng tubig-baha na nagdudulot ng pagkawala ng kita at pagkasira ng mga sasakyan ng mga jeepney driver.

Ayon kay Liberty de Luna, National President ng Alliance of Concerned Transport Organization, hindi makabiyahe ang maraming jeepney driver kapag mataas ang tubig sa mga kalsada. Aniya, nababaha ang kanilang mga sasakyan at nasisira ang mga spare parts.

May ilang driver din umanong nabibigla sa biglaang pagtaas ng tubig kaya napipilitang huminto sa gitna ng kalsada at itulak ang kanilang mga sasakyan pabalik sa terminal. Ngunit maging ang ilang terminal ay naaapektuhan na rin ng baha.

--Ads--

Kasabay nito, nanawagan si de Luna sa pamahalaan na ipatupad na ang ipinangakong dalawang libong pisong ayuda para sa mga driver at operator, lalo na dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo sa buong bansa.

Hinihintay din umano ng mga operator ang amortization assistance na 20 libong piso kada unit para sa mga modernized jeepney na kanilang ipinambayad sa mga bangko.

Muling nanawagan si de Luna kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na aprubahan ang hinihinging provisional increase na isa hanggang dalawang piso sa pamasahe, na aniya ay malaking tulong sa mga nasa transport sector.
Hiniling din niya sa mga mananakay na unawain ang kalagayan ng mga driver at operator kapag humihingi ang mga ito ng dagdag-pasahe.