Ibinahagi ng Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers (ASSERT) ang kanilang pagsusuri sa unang termino ng pagpapatupad ng three-term curriculum, kabilang ang mga hamon na kinakaharap ng mga guro at mag-aaral dahil sa limitadong oras sa pagtuturo, kakulangan sa learning materials, at madalas na kanselasyon ng face-to-face classes.

Ayon kay Arlene James Pagaduana, pangulo ng ASSERT, naging mahirap para sa mga guro na makumpleto ang mga itinakdang learning competencies sa unang termino dahil sa mas maikling instructional period at sunod-sunod na suspensyon ng klase.

Dagdag niya, kahit walang suspensyon ng klase, mahirap pa ring habulin ang lahat ng competencies sa loob ng isang termino. Aniya, hindi sapat ang oras upang mapag-aralan nang maayos ng mga estudyante ang bawat aralin at magkaroon ng sapat na retention.

Isa rin sa tinukoy ng ASSERT ang kakulangan ng mga kagamitang panturo para sa bagong curriculum.

Ayon kay Pagaduana, wala pang sapat na textbooks at iba pang materyales na maaaring direktang gamitin ng mga guro. Dahil dito, napipilitan ang mga guro na maghanap at bumuo ng sarili nilang resources upang maipagpatuloy ang pagtuturo.

Nabanggit din niya ang problema sa continuity ng mga aralin. Dahil sa dami ng kailangang saklawin sa limitadong panahon, may mga pagkakataong napipilitang lumipat ang klase sa panibagong competency kahit hindi pa ganap na nauunawaan ng mga mag-aaral ang naunang paksa.

Binigyang-diin niya na partikular itong nakikita sa mga asignaturang nangangailangan ng tuloy-tuloy na pag-unawa, gaya ng Mathematics.

Mas naging komplikado rin ang pagtatapos ng unang termino dahil sa mga kanselasyon at suspensyon ng klase bunsod ng mga kondisyon sa panahon at iba pang safety concerns.

Ipinaliwanag ni Pagaduana na may mga aktibidad na nakatakda sana sa pagtatapos ng termino ngunit hindi naisagawa dahil sa pagkaantala ng klase. Kabilang dito ang intramurals, selection at training ng mga manlalaro, campus journalism activities at iba pang school programs.

Dahil magsisimula na ang ikalawang termino, sinabi niyang mahirap nang habulin ang lahat ng naantalang aktibidad.