Dagupan City – Tinatayang nasa ₱20,000 ang halaga ng frozen pork at chicken products ang nakumpiska sa isinagawang checkpoint operation sa Barangay Bantog bayan ng San Quintin.
Aabot sa 113 kilo ng mga produktong karne ang nasabat matapos isailalim sa inspeksyon.
Ayon sa mga awtoridad, napag-alamang hindi nakasunod ang mga nasabing produkto sa itinakdang safety protocols, dahilan upang kumpiskahin ang mga ito.
Sa koordinasyon ng Municipal Agriculture Office (MAO), isinagawa ang wastong disposisyon sa mga nakumpiskang karne sa pamamagitan ng pagsusunog upang maiwasan ang posibleng panganib sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Patuloy naman ang Pamahalaang Bayan ng San Quintin sa pagpapatupad ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga mamimili at matiyak ang kaligtasan ng mga produktong pagkain na ipinapasok, ibinibiyahe at ibinebenta sa bayan.
Hinikayat din ang publiko na maging mapagmatyag sa pagbili ng mga produktong karne at tiyaking ang mga ito ay ligtas, maayos ang pagkakahawak at sumusunod sa mga itinakdang pamantayan.










