Magsisimula sa susunod na linggo, Lunes, Setyembre 14, ang pagtalakay ng Impeachment Court sa natitirang Article of Impeachment ng prosekusyon laban kay Vice President Sara Duterte. Nakatuon ang Article II sa alegasyon ng “unexplained wealth” o hindi maipaliwanag na yaman na iniuugnay sa bise presidente.

Sa isang pulong balitaan, inilahad ni House prosecutor Rep. Terry Ridon ang mga susunod na saksi na ihaharap ng prosekusyon sa pagdinig. Ayon kay Ridon, layunin ng kanilang mga testimonya na makatulong sa paglalahad at pagsusuri sa mga alegasyong nakapaloob sa Article II ng impeachment complaint laban kay Duterte.

Kabilang sa mga inaasahang haharap sa Impeachment Court si Justice Amparo Cabotaje-Tang, dating Presiding Justice ng Sandiganbayan, Atty. Karen S. Batu, Officer-in-Charge ng Central Records Division ng Office of the Ombudsman. Ihahain din ng prosekusyon bilang saksi si Atty. Gerardo F. Del Rosario, Director ng Company Registration and Monitoring Department (CRMD) ng Securities and Exchange Commission (SEC). Inaasahang magbibigay siya ng impormasyon hinggil sa mga rekord ng mga kompanya at iba pang dokumentong maaaring may kaugnayan sa mga alegasyong tinatalakay sa Article II.

--Ads--

Ayon kay Ridon, mahalaga ang mga testimonya ng mga naturang saksi upang makatulong sa pagtalakay at pagbusisi ng Impeachment Court sa mga alegasyong nakapaloob sa Article II. Ang pagdinig ay bahagi ng pagpapatuloy ng proseso ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.