Dagupan City – Tampok ang talento at pagkamalikhain ng mga lokal na artista at designer sa lalawigan sa pagdiriwang ng ikatlong anibersaryo ng Banáan Pangasinan Provincial Museum, sa pamamagitan ng isang exhibit na nagtatampok ng 19 malikhaing kasuotan.

Ayon kay Provincial Administrator Manuel O. Luis Jr., na kumatawan kay Pangasinan Governor Ramon V. Guico III, patunay ang naturang exhibit sa husay ng mga lokal na artista at designer sa lalawigan.

Aniya, layunin ng pamahalaang panlalawigan na patuloy na suportahan ang mga lokal na artista, creative designer, artisan, at manufacturer sa iba’t ibang larangan.

Dahil dito, mananatiling bukas umanp sa publiko sa buong buwan ng Setyembre ang Masanting Exhibit sa Banáan Pangasinan Provincial Museum sa Lingayen.

Ipinaliwanag ni Luis na ang salitang “Masanting” ay nangangahulugang “maganda” sa wikang Pangasinan.

Orihinal naman sana umanong gagamitin ang mga kasuotan sa Miss Pangasinan pageant noong Mayo, ngunit hindi natuloy ang naturang patimpalak dahil sa fuel crisis na dulot ng giyera sa Iran.

Binigyang-diin din ni Luis ang salitang “asin,” na pinagmulan ng pangalang Pangasinan dahil matagal nang kilala ang lalawigan sa produksyon ng asin.

Samantala, ayon kay Malu Elduayan, Head ng Pangasinan Provincial Tourism and Cultural Affairs Office, nais nilang maisakatuparan ang mga disenyo ng mga local designer matapos hindi matuloy ang Limgas ng Pangasinan noong nakaraang taon.

Layunin ng exhibit na maipakita ang 19 malikhaing kasuotan mula sa 19 LGU na pumasa sa creativity requirements ng Limgas at likha ng mga lokal na designer.

Bahagi rin ang aktibidad ng pagdiriwang ng ikatlong anibersaryo ng museo at ng Tourism and Creative Industries Month.

Ayon kay Elduayan, kabilang sa mga aktibidad ngayong Tourism Month ang pakikipag-ugnayan sa mga tourism player at stakeholder sa pamamagitan ng Region 1 Tourism Summit, kung saan inimbitahan si Secretary of Tourism is Dita Angara-Mathay.

Nilinaw din ni Elduayan na taunan umanong isinasagawa ang naturang aktibidad bilang bahagi ng pagsusulong at pagpapalakas ng turismo at creative industries sa rehiyon.

Samantala, sinabi nito na malaki rin ang naging epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa turismo dahil nabawasan ang bilang ng mga turista. Dagdag pa niya, naapektuhan din ang ilang tourism facilities ng mga nagdaang bagyo.