Nagtala ng panibagong ash emission ang Bulkang Kanlaon nitong hapon at madaling araw ng Setyembre 7, 2026, matapos magbuga ng usok at abo na umabot sa 500 metro ang taas mula sa crater nito.

Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang aktibidad ganap na 1:09 AM gamit ang Lower Mananawin Observation Station (VKLM) Thermal Camera.

Kumikilos ang plume patungong silangan, kung saan patuloy na nakatutok ang mga eksperto sa mga pagbabago sa bulkan.

--Ads--

Nananatili sa Alert Level 2 (Moderate Level of Volcanic Unrest) ang Bulkang Kanlaon matapos ang mga serye ng phreatic at magmatic explosions na nagsimula noong Hunyo 2024 at nagpatuloy hanggang nitong mga nagdaang buwan.

Ipinapaalala ng PHIVOLCS na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok ng sinuman sa apat na kilometrong radius Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa banta ng biglaang pagputok, pagbagsak ng mga bato, at pagpapakawala ng nakalalasong gas.

Pinapayuhan din ang mga aviation authorities na ipagbawal sa mga piloto ang pagpalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok ng bulkan upang makaiwas sa panganib na dulot ng ash clouds. | via Bombo Dennis Jamito