Mariing kinondena ng partidong PDP-Laban ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban kay Vice President Sara Duterte at tinawag itong panibagong anyo ng pag-atake ng administrasyong Marcos laban sa oposisyon.

Ayon kay PDP-Laban National Spokesperson Atty. Ferdinand Topacio, ginagamit umano ng kasalukuyang pamahalaan ang mga ahensya ng gobyerno bilang instrumento ng harassment laban sa mga kritiko at kumokontra sa administrasyon.

Dahil dito, pormal na hinimok ni Topacio ang pangkalahatang publiko na suportahan ang kani-kanilang mga napiling lider at manindigan laban sa itinuturing nilang banta at pagtatangka sa demokrasya ng bansa.

--Ads--

Inilabas ng Quezon City Regional Trial Court Branch 98 ang utos matapos makakita ng probable cause laban sa Bise Presidente para sa tatlong bilang ng kasong grave threats, kung saan itinakda ang piyansa sa P120,000 para sa bawat bilang.

Samantala, pormal namang inihayag ng abogado ng Bise Presidente na si Atty. Paul Lawrence Lim na nakahandang harapin ni Duterte ang lahat ng reklamo at gagamitin ng kaniyang kampo ang lahat ng nararapat na legal remedies sa ilalim ng batas.

Nananatili namang tahimik at wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang Malacañang hinggil sa mga panibagong akusasyon at batikos na ibinabato ng partidong PDP-Laban.