Dagupan City – Positibong nakilala ang isang bangkay ng lalaki na kabilang sa apat na indibidwal na pinaghahanap matapos mahulog sa ilog ang kanilang sinasakyan nang bumigay ang bahagi ng Agana Bridge sa Tarlac City noong Sabado.
Ayon kay PLTCOL. Leo Manantan, Chief ng Community Affairs and Development Unit ng Dagupan City Police Office (DCPO), dakong alas-10 ng umaga noong Agosto 31 nang mamataan ng mga mangingisda ang isang lalaking wala nang buhay na lumulutang sa karagatan, tinatayang walong kilometro mula sa shoreline ng Lingayen dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Agad umanong ini-report ng mga mangingisda sa Philippine Coast Guard (PCG) Dagupan Sub-Station ang kanilang nakita upang maisagawa ang retrieval operation.
Narekober ng mga tauhan ng Coast Guard ang bangkay at dinala sa port area malapit sa National Bureau of Investigation (NBI) sa Barangay Poblacion Oeste, Dagupan City, kung saan isinagawa ng mga awtoridad ang kaukulang imbestigasyon at proseso ng pagkakakilanlan.
Batay sa pagpapatuloy ng imbestigasyon at verification, positibong nakilala ang biktima bilang si James Patrick Dayao Taborlupa, 35-anyos, single, at residente ng Barangay Maliwalo, Tarlac City, Tarlac.
Dakong 12:18 ng madaling araw nitong Setyembre 1 nang dumating sa morgue ang pamilya ng biktima upang kilalanin ang mga labi.
Positibong kinilala ng ina ni Taborlupa, kasama ang iba pa nitong mga kamag-anak, ang mga labi batay sa pisikal na katangian at iba pang pagkakakilanlan.
Matapos ang proseso ng pagkilala, dakong 12:46 ng madaling araw nang pormal na mai-turn over sa pamilya ang mga labi ni Taborlupa.
Agad namang dinala ng pamilya ang mga labi sa Tarlac City para sa mga kinakailangang paghahanda para sa libing.
Samantala, sinabi ni Manantan na nagpapatuloy ang koordinasyon ng pulisya sa Philippine Coast Guard at iba pang kinauukulang awtoridad kaugnay ng paghahanap sa tatlo pang nawawalang indibidwal at sa sasakyang nahulog sa insidente sa Agana Bridge.
Nanawagan din ang opisyal sa publiko, partikular sa mga mangingisda at residente sa mga baybaying lugar, na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad kung may matuklasang anumang kahina-hinalang bagay o posibleng labi sa karagatan na maaaring makatulong sa patuloy na search and recovery operation.










