Dagupan City – Pinulong ni Pangasinan Governor at PDRRMC Chairman Ramon “Mon-Mon” Guico III ang Provincial Response Cluster kasunod ng pagsasailalim sa State of Calamity ng lalawigan dahil sa matinding pagbaha.
Ayon kay Governor Guico, pangunahing prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ang pagsagip sa mga residenteng nangangailangan ng agarang rescue, gayundin ang pagtugon sa pangangailangan ng mga pamilyang lumikas sa evacuation centers.
Nanawagan ang gobernador sa mga residenteng nasa mga binabahang lugar na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang pangangailangan, lalo na kung may banta sa kanilang kaligtasan.
Kung saan ay umakyat na umano sa mahigit 1.2 milyong indibidwal na ang naiulat na naapektuhan ng kalamidad sa lalawigan.
Kabilang sa mga lubhang naapektuhang lugar ang ilang bayan sa District 2, gaya ng Mangatarem, Urbiztondo, Bugallon, Lingayen, Binmaley at Aguilar, gayundin ang Sta. Barbara at Calasiao, na kabilang sa mga lugar na karaniwang nakararanas ng matinding pagbaha.
Hinikayat ng gobernador ang mga residenteng nasa mabababang lugar at mga komunidad na binabaha na lumikas sa pinakamalapit na evacuation center. Tiniyak din niya ang patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan at ng pamahalaang panlalawigan.
Nauna nang naiulat na 28 munisipalidad at apat na lungsod ang naapektuhan ng kalamidad. Umabot naman sa 213 barangay mula sa 15 munisipalidad ang nakaranas ng pagbaha.
Tinatayang 2,700 pamilya o halos 8,000 indibidwal na ang kasalukuyang nasa mga evacuation center.
Kabilang sa malaking hamon ng response operations ang patuloy na pagtaas ng tubig sa mga ilog at ang saturated o basang-basang lupa dulot ng halos isang buwang pag-ulan.
Patuloy na minomonitor ang Sinocalan at Marusay River, gayundin ang iba pang river systems na nasa kritikal na antas, partikular sa central at western Pangasinan.
Sa kabila nito, nagpapatuloy ang operasyon ng mga responder habang nasa State of Calamity ang Pangasinan, kasabay ng pagtutok ng pamahalaan sa kaligtasan ng mga residente, agarang pagtugon sa kanilang pangangailangan, at unti-unting pagbangon ng mga apektadong komunidad.










