Dagupan City – Tinatayang umabot sa ₱7 milyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura sa bayan ng Lingayen, Pangasinan, bunsod ng epekto ng habagat at mga nagdaang bagyo.

Ayon kay Councilor Jonathan Ramos, halos lahat ng barangay sa bayan ay nakapagtala ng pinsala, dahilan upang umabot sa itinakdang 15 porsiyento ng kabuuang populasyon o lugar ng bayan ang naapektuhan ng kalamidad.

Batay sa mga inisyal na ulat, 32 barangay sa Lingayen ang kabilang sa mga lugar na naapektuhan ng pagbaha at iba pang epekto ng masamang panahon.

--Ads--

Sa ilalim ng deklarasyon ng kalamidad, maaaring gamitin ng mga barangay ang kanilang Quick Response Fund (QRF) upang makapagbigay ng agarang ayuda at iba pang kinakailangang serbisyo sa mga residenteng naapektuhan.

Layunin umano ng hakbang na mapabilis ang pagdating ng tulong sa mga pamilyang nangangailangan, lalo na ang mga nawalan ng kabuhayan dahil sa epekto ng kalamidad.

Hindi lamang sektor ng agrikultura ang naapektuhan. Pansamantala ring nahinto ang paghahanapbuhay ng ilang residente, kabilang ang mga tricycle driver, manggagawa at iba pang umaasa sa arawang kita.

Kabilang sa mga lugar na nakararanas ng matinding epekto ang mga coastal barangay na Pangapisan North, Poblacion, Libsong East, Libsong West at Maniboc.

Apektado rin ang ilang southern barangay gaya ng Lasip, Malawa, Wawa, Namulan, Quibaol at Talogtog.

Patuloy naman ang pagtaya ng mga lokal na awtoridad sa lawak ng pinsala upang matukoy ang karagdagang tulong at suporta na kakailanganin ng mga apektadong residente at magsasaka.