Umabot na sa 97 kaso ng leptospirosis sa Ilocos Region mula Enero hanggang Agosto 15, 2026.
Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng Department of Health (DOH) Center for Health Development Region I bagama’t may mga bagong kaso ng leptospirosis sa rehiyon, mas mababa pa rin ito kumpara sa naitalang kaso noong nakaraang taon.
Ayon sa datos ng DOH, 63 porsiyentong mas mababa ang bilang ngayong taon kumpara sa parehong panahon noong 2025, kung kailan umabot sa 266 ang naitalang kaso.
Gayunman, nakapagtala na ang rehiyon ng anim na pagkamatay dahil sa leptospirosis mula Enero hanggang Agosto 15, 2026.
Ipinaliwanag ni Bobis na inaasahan ng DOH ang paglitaw ng mga kaso ng leptospirosis kasabay ng pagsisimula ng mga pag-ulan at pagbaha.
Samantala, umabot naman sa 5,809 kaso ng dengue ang naitala sa Region I mula Enero hanggang Agosto 15, 2026.
Gayunman, mas mababa ito ng 19 porsiyento kumpara sa parehong panahon noong 2025, kung kailan nakapagtala ang rehiyon ng 7,171 kaso.
Sa kabila ng pagbaba ng kaso, nakapagtala pa rin ang rehiyon ng 16 na pagkamatay dahil sa dengue ngayong taon.
Muling nagpaalala ang DOH sa publiko na hangga’t maaari ay iwasang lumusong o maligo sa tubig-baha, lalo na kung hindi tiyak kung ito ay kontaminado.
Kung hindi maiiwasan ang exposure sa baha, inirerekomenda ang paggamit ng protective clothing gaya ng rain boots upang mabawasan ang direktang kontak sa tubig na maaaring may leptospirosis bacteria.
Binanggit din ni Bobis ang tinatawag na post-exposure prophylaxis, o pag-inom ng antibiotic na doxycycline matapos malantad sa baha.
Gayunman, binigyang-diin niya na ang doxycycline ay isang antibiotic at hindi dapat basta-basta iniinom nang walang payo ng doktor. Pinapayuhan ang mga nalantad sa baha na agad kumonsulta sa pinakamalapit na health center o doktor upang malaman kung kinakailangan at kung paano ito dapat gamitin. `
Patuloy namang minomonitor ng DOH Region I ang mga kaso ng leptospirosis at dengue sa rehiyon, lalo na ngayong patuloy ang pag-ulan at pagbaha sa ilang lugar.










