Malaki ang naging epekto ng mga nagdaang bagyo at Habagat sa kita ng mga tricycle driver sa Urdaneta City matapos ang halos tatlong linggong paghina ng kanilang pasada.
Ayon kay Ramon Ramos, president ng TODA-Urdaneta City, isa sa mga pangunahing dahilan ng pagbaba ng kanilang kita ang kawalan ng pasok ng mga estudyante dahil sa masamang panahon at pagbaha sa ilang barangay sa lungsod.
Dagdag pa rito ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, na malaking bahagi ng kanilang kinikita bilang mga tsuper.
Sa kabila ng kakaunting pasahero, pinipili pa rin ng karamihan sa mga driver na bumiyahe upang kahit paano ay may maiuwi para sa kanilang pamilya. Ang ilan ay napilitang mangutang upang may maipangtustos sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Ani Ramos, malaki ang kinakain ng gastos sa gasolina sa kanilang kinikita kaya maliit na lamang ang naiuuwi nila sa kanilang pamilya.
Gayunman, hindi umano nila maaaring basta-bastang taasan ang singil sa pasahe dahil isinasaalang-alang din nila ang kalagayan ng kanilang mga pasahero, na marami rin umanong may mga anak na nag-aaral at umaasa sa limitadong kita ng kanilang pamilya.
Sa ngayon, unti-unti nang bumabalik sa normal ang pasada ng mga tricycle driver matapos humupa ang epekto ng mga bagyo at Habagat.
Naghihintay naman ang mga tsuper sa ipinangakong second wave ng ayuda , lalo na’t halos tatlong linggo silang nakaranas ng matinding paghina ng pasada.










