Binuweltahan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang Chinese Embassy kaugnay ng naging pahayag nito sa operasyon sa isang steel plant sa Misamis Oriental na nagpapakita ng malinaw na pagbalewala sa diplomatic decorum at sovereign laws ng Pilipinas.

Ayon sa ahensiya, hindi nararapat para sa embahada na pangaralan ang mga otoridad ng Pilipinas sa pagsasagawa ng lehitimong operasyon sa loob ng bansa.

Nag-ugat ang pahayag ng komisyon matapos kwestyunin ni Chinese Embassy spokesperson Ji Linpeng ang pagkakaaresto ng dose-dosenang Chinese workers sa Sanjia Steel Corp. habang pinalaya ang mahigit 300 empleyadong Pilipino.

--Ads--

Kinuwestyon din ng Chinese official ang pagkakasangkot ng Armed Forces of the Philppines (AFP) at paggamit ng military aircraft sa operasyon, at sinabing ang ganitong massive deployment ay hindi na nararapat para sa mga ordinaryong manggagawa kundi para sa mga armadong militante o terorista.

Tinutulan din ng PAOCC ang pag-uri sa operasyon bilang “selective enforcement” laban sa Chinese nationals.

Iginiit ng ahensiya na ang pagtrato sa mga indibidwal ay nakabase sa kanilang sitwasyon at posibleng mga paglabag sa immigration at labor laws ng Pilipinas at hindi base sa kanilang nasyonalidad.

Ipinaliwanag din ng PAOCC na ang Sanjia operation ay isang inter-agency law enforcement operation at hindi isang aksiyon laban sa anumang lahi at kasama aniya ang AFP sa operasyon dahil ito ang nabibigay ng seguridad at logistical support.

Hinamon din ng PAOCC ang Chinese Embassy na payagan ang bukas na diskusyon ng publiko sa isyu sa Chinese social media platforms upang malaman ng mga mamamayan ng Tsina ang buong katotohanan sa operasyon.