Nakaalerto ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Bani, Pangasinan sa posibilidad ng biglaang pagtaas ng tubig at flash flood, lalo na sa mga tukoy na barangay na madaling bahain kapag nakararanas ng malakas na pag-ulan.
Ayon kay Angelico Sagun Ventenilla, LDRRM Officer III ng Bani, mas pinaigting ng kanilang tanggapan ang monitoring at koordinasyon sa mga barangay upang mas mabilis na matugunan ang mga insidente ng pagbaha at iba pang sakuna.
Aniya, aktibong pinakikilos ang mga Barangay Disaster Risk Reduction and Management Committee (BDRMC) upang agad na makapagbigay ng ulat at makatugon sa mga pangangailangan ng mga residente.
Bilang bahagi ng kanilang paghahanda, sinabi ni Ventenilla na may apat na teams ang MDRRMO na nakahanda para sa search and rescue operations.
Nakahanda rin umano ang mga evacuation center sa bayan, kasama ang mga sinanay na camp managers na siyang tutulong sa pamamahala at pag-aasikaso sa mga residenteng kailangang lumikas.
Bukod dito, patuloy na namumuhunan ang lokal na pamahalaan sa mga training upang mapalakas ang kakayahan ng mga responders sa pagtugon sa iba’t ibang uri ng sakuna.
Ayon kay Ventenilla, karaniwang nakararanas ng pagbaha ang Bani tuwing habagat season. Mas mapanganib aniya ang flash flood dahil maaari itong mangyari sa loob lamang ng maikling panahon.
Aniya, may mga pagkakataong 30 minuto hanggang isang oras lamang matapos ang malakas na pag-ulan ay mabilis nang tumataas ang tubig sa ilang lugar.
Dahil dito, binigyang-diin ng opisyal ang kahalagahan ng maagap na paglikas, partikular sa mga residenteng nakatira sa low-lying at iba pang flood-prone areas.
Isa sa mga pangunahing hamon na kinakaharap ng mga disaster responders ay ang pag-aatubili ng ilang residente na sumunod sa pre-emptive evacuation.
Ayon kay Ventenilla, may mga residente pa ring nagsasabing ligtas pa sila sa kanilang mga tahanan o mas kabisado nila ang kanilang lugar, kaya hindi agad sumusunod sa abiso ng paglikas.
Hinikayat niya ang publiko na maging mas handa at huwag nang hintaying tumaas nang husto ang tubig bago lumikas.
Samantala, sinabi ni Ventenilla na wala pang hakbang ang lokal na pamahalaan upang isailalim ang Bani sa State of Calamity dahil, sa kasalukuyang epekto ng habagat, kaya pa umano itong tugunan ng lokal na pamahalaan.
May ilang lugar lamang aniya na nakaranas ng pagbaha at hindi ito kasinglala ng epekto ng mga nagdaang bagyo, kung saan malawakang naapektuhan ang kuryente at suplay ng tubig.
Sa ngayon, patuloy ang monitoring ng MDRRMO katuwang ang mga barangay upang mabilis na matukoy ang mga lugar na nangangailangan ng tulong at agarang deployment ng responders.










