Dagupan City – Pinaigting ng Rural Health Unit (RHU) ng Sta. Barbara ang monitoring sa mga posibleng kaso ng leptospirosis, dengue, diarrhea at iba pang sakit na maaaring lumaganap kasunod ng patuloy na pag-ulan at pagbaha sa ilang bahagi ng bayan.

Ayon kay Dr. Fe Buenaluz-Reyes, Municipal Health Officer, patuloy ang kanilang pagmonitor sa kalagayan ng mga residente mula nang magsimula ang pag-ulan at pagbaha nitong nakaraang linggo.

Sa ngayon, wala pa umanong malaking problema sa leptospirosis sa bayan.

--Ads--

Gayunman, isang suspected case ang naitala noong Hulyo kung saan namatay ang pasyente ngunit hindi naman nakumpirma bilang leptospirosis.

Aniya na mas binabantayan ng health office ang diarrhea cases matapos maitala ang 38 kaso mula Hulyo hanggang Agosto.

Patuloy din ang monitoring sa dengue, bagama’t sinabi ni Dr. Reyes na mababa pa ang bilang ng mga kaso kumpara sa nakaraang taon.

Karamihan din umano sa mga pasyente ay maaaring ma-manage sa kanilang mga tahanan kaya limitado lamang ang mga nairerefer sa ospital.

Kabilang sa mga lugar na nakaranas ng pagbaha ay Barangay Dalonggue, Sonquil, Alibago, Sapang at Matic-Matic kung saan patuloy ang pag-iikot at monitoring ng mga health personnel sa mga lugar na ito, partikular sa mga residenteng maaaring nalantad sa baha.

Bilang preventive measure laban sa leptospirosis, namamahagi rin ang RHU ng doxycycline sa mga residenteng nalusong o nalantad sa baha na pasok sa kinakailangang assessment ng health workers.

Pinaalalahanan ni Dr. Reyes ang publiko na hangga’t maaari ay iwasang lumusong o maglakad sa baha, lalo na kung may sugat sa paa, dahil maaari itong maging daanan ng bacteria na nagdudulot ng leptospirosis.

Kung hindi naman maiiwasang malusong sa baha, pinapayuhan ang mga residente na agad na ipagbigay-alam ito sa health workers upang ma-assess at mabigyan ng naaangkop na preventive intervention.

Bukod sa leptospirosis, dengue at diarrhea, patuloy ding binabantayan ng RHU ang mga karaniwang sakit tuwing tag-ulan, kabilang ang ubo at iba pang respiratory illnesses.

Tiniyak naman ni Dr. Reyes na sapat ang kasalukuyang health resources ng RHU at magpapatuloy ang kanilang monitoring upang agad na matukoy at matugunan ang anumang pagtaas ng kaso ng mga sakit na may kaugnayan sa baha at patuloy na pag-ulan.