Nagbabala si law expert Atty. Joey Tamayo sa publiko na maaaring mauwi sa cyber libel ang mga mapanirang post at akusasyon sa social media.

Ayon kay Tamayo, mahalagang mapatunayan kung sino ang tinutukoy sa isang post at kung sino ang tunay na nag-post nito.

Kahit hindi banggitin ang pangalan, maaari pa ring maging usapin kung malinaw sa mga nakakakilala sa tao kung sino ang tinutukoy.

--Ads--

Payo niya sa mga biktima ng cyber libel na i-screenshot at itago ang post bilang ebidensiya, at humingi ng tulong sa cybercrime authorities upang matukoy ang may-akda ng account.

Nilinaw din ni Tamayo na hindi lahat ng negatibong komento ay cyber libel. Mahalaga kung ang pahayag ay mapanira, malisyoso at pasok sa mga elemento ng batas.

Higit sa lahat, hinimok niya ang publiko na mag-isip muna bago mag-post, lalo na kapag galit.

Pagbabahagi pa niya sa panahon kung kailan halos lahat ay may access sa social media, iginiit niya na hindi lamang mga mamamahayag o personalidad ang maaaring masangkot sa cyber libel complaints.

Kahit ordinaryong social media user ay maaaring managot kung mapatutunayang nilabag nito ang batas.