Nagpapatuloy ang measles-rubella vaccination ng Department of Health Region 1 para sa mga batang edad anim na buwan hanggang 59 buwan bilang hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Sinimulan ang pagbabakuna noong Agosto 10 at magpapatuloy hanggang Agosto 28, na target na maabot ang humigit-kumulang 400,000 bata sa buong rehiyon at mabakunahan ang hindi bababa sa 95 porsyento ng target population.
Isinasagawa ang vaccination program sa mga fixed at temporary vaccination site sa pakikipagtulungan ng mga local government unit.
Ayon kay Dr. Rheuel Bobis ng DOH Region 1, dumaraan muna sa assessment ang mga bata bago mabakunahan. Maaari ring makaranas ng lagnat matapos ang pagbabakuna, na karaniwang panandalian lamang.
Pinapayuhan ang mga magulang na sundin ang gabay ng mga health worker at agad kumonsulta sa rural health unit kapag nakaranas ang bata ng hindi pangkaraniwang sintomas.
Isa rin sa mga hamon ng DOH ang pagkalat ng mapanlinlang na impormasyon sa social media na maaaring makaapekto sa pagtanggap ng publiko sa vaccination program.
Samantala, patuloy ding minomonitor ng DOH Region 1 ang leptospirosis at iba pang sakit na maaaring maiugnay sa pagbaha.
Nakapagtala ang rehiyon ng 71 kaso ng leptospirosis, na mas mababa ng 34.9 porsyento kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Gayunman, patuloy ang pagbabantay dahil may incubation period ang sakit at maaaring lumabas ang mga sintomas ilang araw matapos malantad sa kontaminadong tubig-baha.
Pinapayuhan ang publiko na iwasang lumusong sa baha. Kung hindi ito maiiwasan, inirerekomendang gumamit ng angkop na proteksiyon tulad ng boots upang mabawasan ang panganib ng pagkakaroon ng leptospirosis.
Samantala, umabot naman sa 4,095 ang naitalang kaso ng dengue sa buong Region 1, mas mababa ng 18.6 porsyento kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Patuloy itong minomonitor ng health authorities dahil maaaring lumabas ang epekto ng pag-ulan at pagbaha sa bilang ng mga kaso ng dengue makalipas ang ilang linggo.
Hinihikayat ang publiko na panatilihing malinis ang paligid at alisin ang mga lugar na maaaring pamugaran ng lamok. Pinapayuhan din ang sinumang makaranas ng mga sintomas ng dengue, leptospirosis o iba pang sakit na agad magpakonsulta
sa pinakamalapit na health facility.









