Tinatayang umabot na sa P21 milyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa Dagupan City dulot ng malawakang pagbaha na bunsod ng habagat at mga nagdaang bagyo.

Ayon kay Mae Ann Solomon, Dagupan City Agriculture Officer, nasa P2.44 milyon ang naitalang pinsala sa agricultural sector, habang tinatayang P18 milyon naman ang income losses sa fisheries sector.

Mula pa nitong Lunes ay ipinatutupad na rin ang no-sailing policy bilang pag-iingat sa kaligtasan ng mga mangingisda dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig at masamang lagay ng panahon.

--Ads--

Dahil din sa mataas na tubig-baha, nahihirapan ang ilang vendors na makapasok sa kanilang mga tindahan, na nakaapekto rin sa kanilang kabuhayan.

Sa kanilang monitoring at pag-iikot, sinabi ni Solomon na marami sa mga rice field sa lungsod ang nananatiling lubog sa baha.

Samantala, nakapaghanda naman ang ilang may-ari ng fishpond matapos silang makapaglagay ng mga lambat upang mapigilan ang paglabas ng mga isda habang patuloy na tumataas ang tubig.

Gayunman, hindi pa umano maaaring maging kampante dahil maaari pang tumaas ang lebel ng tubig sa mga susunod na araw. Dahil dito, posible pang madagdagan ang kasalukuyang tinatayang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura at pangisdaan sa lungsod.