Dagupan City – Nanindigan ang Federation of Free Workers o FFW sa panawagan para sa nationwide wage increase at sinuportahan ang mosyon ng Office of the Solicitor General o OSG na ipatanggal ang temporary restraining order o TRO na pumipigil sa pagpapatupad ng ₱85 wage hike sa National Capital Region.

Ayon kay Atty. Sonny Matula, presidente ng Federation of Free Workers at chairman ng Nagkaisa Labor Coalition, may nakabinbing petisyon sa Korte Suprema kaugnay sa usapin ng wage increase.

Giit ni Matula, walang kapangyarihan ang Regional Trial Court na magpasya sa usapin ng pasahod dahil saklaw ito ng National Wages and Productivity Board.

--Ads--

Aniya, malinaw din sa batas ang pagbabawal sa korte na maglabas ng injunction sa mga usaping sakop ng wage-setting process.

Samantala, nilinaw ni Matula ang posisyon ni Secretary Tolentino kaugnay ng mga naging pahayag nito tungkol sa wage increase.

Ayon kay Matula, marami ang nagreklamo at nagbigay ng reaksiyon sa statement ng kalihim. Ngunit nang personal umano niya itong makausap, nilinaw ni Tolentino na pabor siya sa wage hike at nais niyang isulong ang dagdag-sahod para sa mga manggagawa.

Dahil dito, nanawagan siya sa Senado na pabilisin ang panukalang nationwide wage hike upang makinabang din ang mga manggagawa sa mga probinsya.

Binigyang-diin ni Matula na ang anumang dagdag-sahod ay dapat mapunta sa mga pangunahing pangangailangan ng mga manggagawa at kanilang pamilya, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin.

Iniugnay rin niya ang usapin ng sahod sa unemployment rate sa bansa. Aniya, kailangan ding tugunan ng pamahalaan ang kawalan ng trabaho upang magkaroon ng sapat na pagkakakitaan ang mga Pilipinong nangangailangan ng pangtustos sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.