Dagupan City – Umabot na sa mahigit 91,000 job seekers ang natulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) Central Pangasinan matapos magsagawa ng 29 job fair sa iba’t ibang lugar sa Districts 3 at 4 mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon.
Sa panayam kay Rhodora Dingle, Head ng DOLE Central Pangasinan, sinabi nitong patuloy ang kanilang pagsasagawa ng job fair bilang suporta sa layunin ng pamahalaan na makapagbigay ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino.
Ayon kay Dingle, sa tulong ng kanilang mga partner na local government units (LGUs) at mga employer, libu-libong bakanteng trabaho ang naihahatid sa mga naghahanap ng trabaho.
Batay sa datos ng DOLE, 791 aplikante ang agad na natanggap sa trabaho o hired on the spot habang halos 10,000 job seekers naman ang kwalipikadong pumasok para sa iba’t ibang bakanteng posisyon.
Dagdag pa niya, halos buwan-buwan ay nagsasagawa ang kanilang tanggapan ng job fair, at nakatakda na rin ang susunod na aktibidad ngayong Agosto sa bayan ng Mangaldan.
Sinabi rin ni Dingle na dumarami na ang mga employer na lumalahok sa kanilang job fairs dahil nakita ng mga ito ang malaking bilang ng mga aplikanteng maaaring makuha mula sa lalawigan.
Kabilang sa mga inaalok na trabaho sa overseas employment ang mga posisyon para sa factory workers at mga nagtapos ng medical courses.
Samantala, sa lokal na employment, kabilang sa mga karaniwang bakante ang mga trabaho sa manufacturing, opisina, at iba pang sektor.
Hinikayat din ni Dingle ang publiko na bumisita sa tanggapan ng DOLE Central Pangasinan na matatagpuan sa Tapuac District, Dagupan City, mula Lunes hanggang Biyernes upang magtanong o mag-avail ng iba pang programa at serbisyo ng ahensya.
Bukod sa pagtulong sa paghahanap ng trabaho, sinabi niyang nagbibigay rin ang DOLE ng mga programang pangkabuhayan, kabilang ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), para sa mga nangangailangan ng suporta sa kabuhayan.









