Dagupan City – Naglabas ng paalala ang Binmaley Municipal Police Station sa publiko, partikular sa mga motorista, na maging maingat sa pagmamaneho kasabay ng patuloy na nararanasang maulang panahon na maaaring magdulot ng madulas na kalsada at panganib sa mga biyahero.

Ayon sa PNP Binmaley, mahalagang magdoble-ingat ang mga nagmamaneho upang maiwasan ang mga aksidente sa lansangan. Pinayuhan ang mga motorista na magbawas ng bilis, panatilihin ang ligtas na distansya sa ibang sasakyan, tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan, at iwasan ang biglaang pagpreno lalo na sa mga basang kalsada.

Hinikayat din ng pulisya ang mga naglalakbay na maging mapagmatyag sa kondisyon ng panahon at sumunod sa mga batas-trapiko upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada.

--Ads--

Binigyang-diin ng Binmaley PNP na ang kaligtasan ay nagsisimula sa responsableng pagmamaneho. Patuloy naman ang kanilang panawagan sa publiko na pairalin ang disiplina at pag-iingat sa bawat biyahe upang makaiwas sa anumang sakuna, lalo na sa panahon ng tag-ulan.