Mga Kabombo, alam niyo ba na may mga cosplayer na nagbebenta ng inumin na pinagbabaran ng kanilang mga paa—at may mga bumibili pa talaga?
Usap-usapan ngayon sa social media ang kakaibang pangyayari sa Firefly Comic Con sa Guangzhou, China, kung saan ilang babaeng cosplayer ang umano’y nagbenta ng lemonade at cola na pinagbabaran ng kanilang mga paa.
Naganap ang insidente sa apat na araw na convention mula Hulyo 17 hanggang 20, kung saan naglagay ang mga cosplayer ng kanilang mga paa sa mga lalagyan na may lemonade at cola.
Pagkatapos, ibinenta ang naturang inumin sa halagang 50 yuan o humigit-kumulang ₱400 bawat baso.
Ayon sa mga ulat, mahaba pa ang pila ng mga lalaking nais makatikim ng kontrobersyal na “foot juice.”
Sa mga kumalat na larawan at video sa Chinese social media, makikitang may ilan pang direktang sumasalok ng inumin mula sa pinagbabaran ng paa, habang ang iba naman ay pinapatulo pa ito diretso sa kanilang bibig.
May ilang video rin na nagpapakita ng mga taong dinidilaan mismo ang likidong nasa paa ng mga cosplayer.
Sinasabing naimpluwensyahan ang naturang trend ng kaparehong insidente na unang naiulat noong Mayo sa Fanime Con sa San Jose, California, kung saan may mga cosplayer ding nagbenta ng inuming pinagbabaran ng kanilang mga paa.
Dahil sa matinding reaksiyon ng publiko, agad na kumilos ang organizers ng Firefly Comic Con.
Inihayag nila na pinalabas na sa venue ang mga sangkot na cosplayer at mahigpit nang ipagbabawal ang mga kahalintulad na aktibidad sa mga susunod na event.
Marami ang nagpahayag ng pagkadismaya sa social media, habang ang iba naman ay hindi makapaniwala na may mga taong handang gumastos para lamang subukan ang naturang “foot juice.










