Kumikilos na ang pamahalaan ng Spain upang tugunan ang kinakaharap nitong migration crisis matapos makapasok ang libulibong migrants mula sa Morocco sa lungsod ng Ceuta.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Eva Tinaza, Bombo International News Correspondent sa Spain, na naging biglaan ang pagpasok ng mga migrants kaya’t hindi na ito agad napigilan ng mga awtoridad.

Dahil sa insidente, nagpapatupad na ang pamahalaan ng Spain ng national emergency at pinalakas ang seguridad sa mga hangganan ng bansa upang maiwasan ang panibagong pagpasok ng mga migrants mula sa ibang bansa.

--Ads--

Ginagawan na rin umano ng paraan upang ang mga migranteng iligal na nakapasok sa bansa ay ibabalik sa Morocco ngunit ito ay pahirapan at mahirap silang hagilapin.

Ayon pa kay Tinaza, mahigpit nang binabantayan ng mga awtoridad ang border ng Spain habang isinasagawa ang mga hakbang upang mapangasiwaan ang sitwasyon at mapanatili ang kaayusan.

Dagdag pa niya, sa matagal na niyang paninirahan sa Spain ay ngayon lamang niya naranasan ang ganitong kalaking pagdagsa ng mga migrants, na aniya ay nagdulot ng malaking hamon sa pamahalaan sa usapin ng border security at migration management.

Sa nakalipas na 24 oras iniuat na humigit-kumulang 60,000 migrants ang tumawid mula Morocco patungo sa Ceuta, Spain .