Nanawagan si dating ACT Teachers Party-list Representative France Castro na mapabilis ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, lalo na ang pagtalakay sa Article 1 na may kaugnayan sa paggamit ng confidential funds. Aniya, mahalagang agad na matalakay ang mga alegasyon upang mapabilis ang paglilitis.

Ayon kay Castro, may sapat na batayan ang Article 1 ng impeachment complaint, kabilang ang mga isyu sa umano’y paggamit ng ₱125 milyong confidential funds. Iginiit din niya na dapat humarap si Vice President Duterte sa paglilitis upang maipaliwanag ang mga paratang laban sa kanya.

Kinuwestiyon din ni Castro ang itinakdang 90 trial days at sinabing maaari pa itong paikliin. Nagtanong din siya kung bakit pinayagang bumiyahe sa ibang bansa ang Bise Presidente habang nakabinbin ang impeachment proceedings.

--Ads--

Sa usapin ng mga senator-judges, sinabi ni Castro na may napapansin umano siyang pagkiling sa ilan sa kanilang mga naging tanong. Gayunman, umaasa siyang mananatiling nakabatay sa Konstitusyon ang impeachment trial at mailalabas ang katotohanan sa pamamagitan ng patas na paglilitis.