Pormal na hiniling ni Senador Rodante Marcoleta sa pamamagitan ng paghahain ng isang manifestation sa Senado para payagan siya at si Senador Jinggoy Estrada na makibahagi sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Kasalukuyan ngang nakakulong ang dalawang senador sa New Quezon City Jail male dormitory sa Payatas sa gitna ng kanilang kinakaharap na magkahiwalay na kasong plunder, na walang kaukulang piyansa, sa Sandiganbayan.
Sa isang panayam kay Marcoleta sa anti-graft court kasabay ng kaniyang pagharap sa pre-trial conference sa kasong plunder sa Third Division, kinumpirma niyang inilatag niya sa kaniyang inihaing manifestation ang legal na dahilan kung bakit kailangang humanap ng paraan ng mataas na kapulungan upang makibahagi sila ni Sen. Jinggoy sa nagpapatuloy na trial ng bise presidente.
Ayon kay Marcoleta, hindi nabago ng kaniyang pagkakakulong ang kaniyang estado bilang isa sa 24 na nakaupong senador na kalaunan ay boboto para i-abswelto o i-convict ang pangalawang pangulo.
Nauna naman nang sinabi ni Trial Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na medyo sang-ayon siya sa suhestyon ni Marcoleta na makibahagi sa trial hangga’t hindi ito nahaharap sa suspensiyon bilang senador.
Matatandaang nag-ugat ang kasong plunder ni Marcoleta sa kabiguang ideklara ang P75 milyong halaga ng campaign donations sa kaniyang Statement of assets, liabilities and net worth (SALN) at Statement of Contributions and Expenditure (SOCE) noong 2025 elections.
Habang nag-ugat naman ang kaso laban kay Estrada mula sa alegasyon na nakatanggap umano siya ng P573 milyong kickbacks sa pamamagitan ng isiningit na pondo sa flood control projects sa ilalim ng 2025 national budget.










