Iginiit ng IBON Foundation na mahalagang matugunan ng pamahalaan ang patuloy na pagdami ng mga pamilyang Pilipinong nakararanas ng gutom at kahirapan, kasabay ng panawagang mailahad sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ang tunay na kalagayan ng bansa at ang mga konkretong hakbang upang masolusyunan ito.

Ayon kay Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, hindi pa rin umano natutupad ang pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang Pilipinong magugutom. Aniya, batay sa mga resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey, tumaas pa ang bilang ng mga pamilyang nakararanas ng gutom mula nang maupo ang kasalukuyang administrasyon. Dahil dito, sinabi niyang hindi sapat na batayan ang pagiging upper middle-income country upang sabihing gumanda na ang kalagayan ng ekonomiya kung marami pa ring Pilipino ang nahihirapang makabili ng pagkain.

Sinabi rin ni Africa na lalo umanong naramdaman ng maraming pamilya ang hirap ng pamumuhay nang tumaas ang presyo ng langis noong mga nakalipas na buwan, na nagdulot ng dagdag na pasanin sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.

--Ads--

Bagama’t suportado ng IBON Foundation ang ipinatutupad na Uplift Program ng pamahalaan, sinabi ni Africa na limitado lamang umano ang bilang ng mga benepisyaryong natutulungan ng programa kumpara sa kabuuang bilang ng mga Pilipinong nagsasabing sila ay mahirap. Aniya, makabubuti sana ang programa kung magkakaroon ito ng mas sapat na pondo upang mas marami ang makinabang.

Binanggit din niya ang usapin ng umano’y nawawalang pondo para sa flood control projects, na ayon sa kanya ay maaari sanang magamit sa paglikha ng mas maraming trabaho at pagpapalawak ng mga programang pang-ayuda ng pamahalaan.

Dahil dito, umaasa ang IBON Foundation na matatalakay sa nalalapit na SONA ang mga pangunahing suliraning kinahaharap ng bansa at ang mga hakbang ng pamahalaan upang matugunan ang kahirapan, kagutuman, at iba pang isyung pangkabuhayan.