Iginiit ng House prosecution na hindi maaaring ituring na “discredited witness” si dating Davao police officer Arturo Lascañas dahil ipinaliwanag niya sa kanyang sinumpaang salaysay kung bakit itinanggi niya ang mga alegasyon sa kanyang unang pagtestigo sa pagdinig ng Senado noong 2016.

Ayon kay House prosecution legal spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., sinabi ni Lascañas sa kanyang ikalawang affidavit na na-coach umano siya ng ilang opisyal upang itanggi ang mga alegasyon kaugnay ng umano’y Davao Death Squad.

Aniya, kalaunan ay binawi ni Lascañas ang kanyang mga naunang pahayag dahil sa kanyang konsensya at pangamba para sa kanyang kaligtasan.

--Ads--

Binigyang-diin ni Tolosa na hindi awtomatikong nawawalan ng kredibilidad ang isang testigong nagbabago ng salaysay.

Aniya, mahalagang suriin ang dahilan ng pagbabago upang matukoy kung alin ang mas kapani-paniwala.

Tinukoy rin ni Tolosa ang testimonya ng NBI na nagsasabing ang pag-recant ng isang testigo ay dapat suriin batay sa bawat kaso.

Nilinaw din ng prosekusyon na hindi nila iniharap ang affidavit ni Lascañas upang patunayang totoo ang mga alegasyon nito, kundi bilang bahagi ng mga dokumentong isinasaalang-alang ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagbusisi sa umano’y banta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon sa kanila, kabilang sa mga ikinonsidera ng NBI ang umano’y kasaysayan ng karahasan, kakayahang isakatuparan ang banta, at iba pang impormasyon bago ito itinuring na usaping may kinalaman sa pambansang seguridad.

Samantala, sinabi naman ni impeachment adviser at trial spokesperson Robert Ace Barbers na hindi maaaring basta isantabi ang affidavit ni Lascañas dahil malinaw nitong ipinaliwanag ang dahilan ng kanyang pagbabago ng salaysay.

Aniya, ang pag-amin ni Lascañas na nagsinungaling siya noon ay maaari pang ituring na isang “admission against interest.”

Iginiit din ng prosekusyon na hindi nawawalan ng legal na halaga ang isang affidavit dahil lamang hindi ito notaryado.

Binigyang-diin ng prosecution na ang affidavit ni Lascañas ay bahagi lamang ng kabuuang ebidensiyang iniharap, at ang Senate impeachment court pa rin ang magpapasya sa bigat at halaga ng lahat ng ebidensiyang nasa rekord.