Inihayag ni National Bureau of Investigation Dir. Atty. Melvin Matibag ang pagbubuo ng ‘task force’ upang mapaimbestigahan ang umano’y anomalya sa pinanguhan ng bansa na Southeast Asian (SEA) Games noong 2019.

Ayon sa direktor, ang naturang unit ng kawanihan ay tututukan ang pag-iimbestiga patungkol dito lalo na kaugnay sa pondong sinasabing hindi umano ‘liquidated’.

Ani pa niya’y nakatanggap na sila ng impormasyon at mga dokumento nagtutulak upang kanilang suriin ang posibleng anomalya sa Sea Games Organizing Committee.

--Ads--

Binubuo ang nabanggit na ‘taskforce’ ng ‘financial investment unit’ at ‘special action unit’ ng kawanihan katuwang ang Securities and Exchange Commission at Commission on Audit.

Habang kanyang sinabi na sa kasalukuyan ay wala pang ‘identified’ sa dokumento ngunit mayroon naman nang mga personalidad na tinitingnan.

Paliwanag ni Dir. Matibag na ang paglulunsad ng imbestigasyon ay ‘incidental’ nang bumisita sa National Bureau of Investigation Academy sa Pampanga.

Pati bunsod din aniya nang makatanggap ng impormasyon at mga dokumento ang kawanihan kung kaya’t ipinasisilip na rin ang posibleng anomalya.

Depensa naman ng direktor na ang pagkasa ng imbestigasyon ay walang kinalaman sa pagitan nila ni Senador Alan Peter Cayetano.

Nirerespeto aniya ang mga miyembro ng Senado at nataon lamang na ang naturang mambabatas ang siyang isa sa mga sangkot sa komiteng iniimbestigahan.