Ikinasal na umano ang aktres Bea Alonzo at negosyanteng si Vincent Co sa isang simpleng seremonya sa Makati City Hall noong Lunes, Hulyo 13.

Naging usap-usapan ito matapos mag-post si Makati Mayor Nancy Binay ng larawan nila ni Bea sa kanyang opisina. Nilagyan niya ito ng caption na “Coffee w/ coffeemate” at hashtag na #OneMoreChance.

Ayon kay showbiz vlogger at talent manager Ogie Diaz, naganap ang kasal bandang alas-7 ng gabi.

--Ads--

Aniya, wala umanong kapamilya ng dalawa ang dumalo at tanging mga may-ari lamang ng Secosana ang naroon.

Ang Secosana ang partner ni Bea sa kanyang travel essentials brand na Bash.

Sinabi rin ni Ogie na nakita umano niya ang larawan ng kasal at ang marriage certificate ng mag-asawa.

Dagdag pa niya, may prenuptial agreement ang dalawa, ngunit hindi ito naging problema sa kanilang relasyon.

Iniulat din na si Mayor Nancy Binay ang nagkasal sa mag-asawa. Ayon sa ulat, anim lamang ang dumalo sa seremonya at tanggap ng pamilya ni Vincent si Bea.

Kinumpirma ni Bea ang relasyon nila ni Vincent noong 2025. Noong Marso 2026, lumabas ang kanilang wedding banns sa isang simbahan sa Maynila, ngunit hindi nila kinumpirma ang balitang sila ay engaged.

Noong Mayo, kumalat ang balitang ikakasal umano sila sa Spain. Mas lumakas pa ang espekulasyon nang bumiyahe roon ang malapit na kaibigan ni Bea na si Dimples Romana. Ngunit nakita si Vincent sa isang business event sa Pasay City noong Mayo 14.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag sina Bea Alonzo at Vincent Co tungkol sa balitang kasal.