Dagupan City – Pinagpaliwanag ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan ang mga power distributor sa lalawigan kaugnay ng mataas na singil sa kuryente at sunod-sunod na nararanasang brownout ng mga consumer.

Sa naging pahayag ni Engr. Rodrigo Corpuz, General Manager ng Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO), ipinaliwanag niyang bukod sa normal na capacity contract at suplay mula sa mga generating supplier, umaasa rin ang kooperatiba sa kuryenteng nagmumula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), na natapos ang kasunduan noong buwan ng Abril.

Ayon kay Corpuz, mula Mayo hanggang sa kasalukuyan ay nakararanas ng yellow alert status ang Luzon grid, batay sa abiso ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

--Ads--

Aniya, dulot ito ng pansamantalang paghinto ng operasyon ng ilang power plant, na nagresulta sa kakulangan ng suplay ng kuryente habang patuloy namang tumataas ang demand.

Dagdag pa niya, nakaapekto rin sa sitwasyon ang pagnipis ng reserbang suplay ng kuryente.

Batay sa datos ng CENPELCO, ang karaniwang peak demand ng kanilang franchise area ay nasa 120 megawatts lamang. Gayunman, umabot ito sa 162 megawatts sa kasagsagan ng matinding init ng panahon, dahilan upang tumaas ang konsumo ng kuryente.

Samantala, tiniyak ni Corpuz na patuloy na bineberipika ng CENPELCO ang mga naitalang meter reading upang matiyak na tumutugma ang mga ito sa aktuwal na konsumo ng mga consumer.

Aniya, regular ding bumibisita ang mga technical personnel ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa kanilang tanggapan upang magsagawa ng onsite verification at pagsusuri sa mga metro ng mga consumer na nakapagtala ng mataas na konsumo.