Iginiit ng grupong Pangisda Pilipinas na pag aari ng bansa ang Batanes.

Ayon kay Pablo Rosales, pangulo ng Pangisda Pilipinas, malinaw na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang Batanes kaya nararapat lamang itong ipagtanggol ng pamahalaan sa gitna ng pag aangkin rito n China.

Sinabi ni Rosales na tila napagpapalaruan ang bansa habang tumitindi ang tensyon sa pagitan ng China at Estados Unidos. Dahil dito, iginiit niyang kailangang manindigan ang Pilipinas at pangalagaan ang sariling teritoryo laban sa anumang tangkang pag-angkin.

--Ads--

Gayunman, ipinunto rin niya na nakababahala kung ang pagpapakita ng pagiging makabayan ng ilang ahensya ng gobyerno at mga pulitiko ay nakasandig lamang sa suporta ng Estados Unidos. Aniya, dapat na kumilos at magsalita ang Pilipinas batay sa sarili nitong pambansang patakaran at interes.

Binigyang-diin ni Rosales na hindi sapat ang pagkondena sa territorial claim ng China kung kasabay naman nito ang paglalagay ng mga armas sa hilagang bahagi ng bansa, malapit sa China at Taiwan.

Aniya, lalong nadadamay ang mga mangingisda sa sigalot dahil nangangamba silang maglayag sa karagatan sa gitna ng umiigting na tensyon.

Samantala, ikinatuwa ng Pangisda Pilipinas ang patuloy na pagkilala sa tagumpay ng Pilipinas sa 2016 Arbitral Ruling.

Nanawagan si Rosales sa pamahalaan na gamitin ang nasabing desisyon sa pamamagitan ng diplomasya upang maisulong ang kapayapaan, maprotektahan ang karagatan, at matiyak ang kaligtasan at kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino.