Nagsimula nang maramdaman sa Taiwan ang matinding epekto ng Typhoon Bavi, kung saan nagdala ito ng malalakas na hangin, tuloy-tuloy na pag-ulan, pagbaha, at ilang pagguho ng lupa sa ilang bahagi ng bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jason Baculinao, Bombo International News Correspondent sa Taiwan, sinabi niyang nagsimulang lumakas ang hangin sa hilagang bahagi ng Taiwan bandang alas-4 hanggang alas-5 ng hapon.
Ayon sa kanya, naririnig na ang malakas na pagsipol ng hangin habang may kasabay na pagbuhos ng ulan sa kanilang lugar. Naiulat din ang mga pagbaha at landslide partikular sa gitnang bahagi ng Taiwan.
Ipinaliwanag ni Baculinao na bagama’t bahagyang humina ang bagyo kumpara sa inaasahang lakas nito, nananatiling mapanganib ang epekto dahil sa lawak ng sakop nito.
Dahil nagmula sa Pacific Ocean, dala ng bagyo ang malaking dami ng moisture na nagresulta sa matinding pag-ulan.
Ayon kay Baculinao, nagsimula na ang evacuation warning ng Taiwan government bago pa man tuluyang lumapit ang bagyo, lalo na sa mga lugar na malapit sa ilog at bulubunduking lugar na mataas ang panganib sa baha at landslide.
Nagpatupad din ang maraming lungsod sa Taiwan ng no work, no class policy simula pa noong nakaraang araw habang inaasahan din ang posibleng pagpapalawig nito sa ilang lugar sa hilagang Taiwan.










