Ipinag-utos ng Sandiganbayan Third Division ang independent medical examination kay Senador Rodante Marcoleta upang matukoy kung kinakailangan pa ang patuloy niyang pananatili sa Philippine National Police (PNP) General Hospital.
Inatasan ng korte ang UP-Philippine General Hospital Director o ang kanyang kinatawan na suriin ang senador sa loob ng tatlong araw at magsumite ng ulat kung may sapat pang dahilan para manatili ito sa ospital.
Ayon sa mga doktor ng PNP, bumuti na ang kondisyon ni Marcoleta at maaari na itong bumiyahe kung magsusuot ng face mask, ngunit inirerekomenda pa ring manatili siya sa ospital hanggang makumpleto ang kanyang antibiotic treatment.
Nauna nang iniutos ng Sandiganbayan ang paglilipat kay Marcoleta sa New Quezon City Jail, ngunit hindi pa ito naipatutupad dahil nananatili siyang naka-confine sa PNP General Hospital.
Nahaharap si Marcoleta sa kasong plunder at tatlong paglabag sa Anti-Gift Law kaugnay ng umano’y ₱75 milyong hindi idineklarang donasyon noong 2025 elections.










