Dagupan City – Natagpuan ang isang lumang bomba ng ilang naghahanap ng ginto habang nagsasagawa ng gold-panning sa kahabaan ng Ilog Agno sa Barangay Nibaliw Norte sa bayan ng Bautista.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Bautista Police Station sa lugar upang beripikahin ang ulat, siguruhin ang kaligtasan ng paligid, at makipag-ugnayan sa Pangasinan 5th District Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit (EODCU).

Katuwang ang nasabing yunit na magsasagawa ng wastong paghawak, dokumentasyon, pagsesecure, at ligtas na pagtatapon ng nasabing kagamitan.

--Ads--

Bukod pa rito, nagsagawa rin ang mga awtoridad ng masusing inspeksyon sa buong paligid upang matiyak na wala nang iba pang natitirang pampasabog na maaaring magdulot ng panganib sa mga tao.

Sa pagkakataong ito, nagpaalala ang Bautista Police Station sa publiko: sakaling makakita ng hinihinalang bomba o iba pang labi ng pampasabog, huwag na huwag itong gagalawin, hahawakan, o lalapitan.

Agad itong ipagbigay-alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa kinauukulang awtoridad upang maiwasan ang anumang sakuna at mapanatili ang kaligtasan ng lahat.