Dagupan City – Umaasa ang August Twenty-One Movement (ATOM) na mananatiling patas ang takbo ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte matapos ang unang tatlong araw ng proceedings.

Ayon kay Voltaire Bohol, President ng ATOM, inaasahan nilang magtatagal pa ang buong proseso ng paglilitis dahil sa dami ng mga isyung kailangang talakayin.

Isa sa mga napansin umano nila sa naging depensa ng kampo ng Bise Presidente ang pahayag kaugnay ng umano’y banta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

--Ads--

Aniya, isa rin sa kanilang mahigpit na binabantayan ang magiging resulta ng botohan ng mga senador, dahil hindi maikakaila na may kanya-kanyang paninindigan at posisyon ang mga ito.

Tinukoy rin ni Bohol na ang pagpunta ni Pangulong Marcos sa Senado noong ikalawang araw ng pagdinig ay maaaring maituring na isang political tactic upang lalong mapag-usapan ang isyu.

Ipinaliwanag din niya na madalas umanong nagiging estratehiya ng mga taong may pananagutan ang pagtuon sa mga teknikalidad sa halip na sa mga ebidensya.

Umaasa naman ang ATOM na magpapatuloy ang pagiging patas ni Senate President at Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero sa pamumuno sa impeachment trial at hindi malilihis ang mga susunod na pagdinig sa tunay na layunin ng proseso.

Binalikan din ni Bohol na bago pa man magsimula ang impeachment trial ay kabilang ang kanilang grupo sa mga nagsusulong ng mga inisyatibang nagpapaalala sa kahalagahan ng patas na paglilitis.

Binigyang-diin niya na ang hustisya ay dapat naipapatupad sa lahat, anuman ang estado sa buhay, at hindi lamang sa mga mahihirap kundi maging sa mga may kapangyarihan sa lipunan.