Lumutang ang katanungan sa ikalong araw ng impeachment trial ni VP Sara Duterte kung sino ang naghin ng grave threats laban sa pangalawang pangulo.
Sa kaniyang muling pagharap, ipinaliwanag ng unang testigo ng prosekusyon na si NBI Senior Agent John Mark Calilung na maaaring magpatuloy sa preliminary investigation ang kaso ng banta sa buhay ng matataas na opisyal kahit walang pormal na reklamo mula sa mismong biktima kung sapat ang ebidensyang nakalap ng mga imbestigador.
Tinanong ni Senator-judge Erwin Tulfo kung kailangan pa ng pahintulot o reklamo mula sa mga opisyal bago magsagawa ng imbestigasyon.
Nilinaw ni Calilung na may mandato ang National Bureau of Investigation (NBI) na kusang mag-imbestiga (motu proprio) kapag ang pinagbabantaan ay ang mga matataas na opisyal ng bansa gaya ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, Senate President, Speaker ng Kamara, o Chief Justice.
Kinumpirma ni Calilung na sumunod ang NBI sa mga alituntunin ng Department of Justice (DOJ). Nakakuha sila ng sertipikasyon na nagpapatunay na ang kanilang mga dokumento at ebidensya ay sapat na upang mag-proceed sa preliminary investigation.
Ang iniimbestigahang pahayag ay nag-ugat sa naging online press conference ni VP Sara Duterte noong Nobyembre 23, 2024, kung saan binanggit niya na may nakausap na siyang tao para ipatumba sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Nang tanungin ni Senator-judge Joel Villanueva kung paano sinusuri ang seryosong banta, ipinaliwanag ni Calilung na hindi siya makapagbigay ng sagot para sa panig ng National Security Council o ibang ahensiya subalit sa kapasidad niya bilang NBI agent, sinabi niyang tinitingnan ng NBI kung ito ay active o kung ang taong nagbanta ay may kakayahan at kapangyarihan na isakatuparan ito, kasama na ang paraan at tono ng pagkakasabi nito.
Sa ngayon, ang rekomendasyon ng NBI para sa mga kasong grave threats at inciting to sedition ay nasa kamay na ng National Prosecution Service ng DOJ upang dumaan sa masusing preliminary investigation.










