Naibalik na sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kontrobersiyal na green box na naglalaman ng tax records nina Vice President Sara Duterte at asawang si Atty. Manases Carpio.

Ang naturang box ay dating ipinasakamay sa House of Representatives at tuluyan ding ipinasa sa Senado upang maging ebidensiya sana ng House Prosecution Panel laban kay VP Sara sa impeachment trial.

Unang ipinag-utos ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang pagbabalik ng naturang box sa BIR dahil walang court order na nag-uutos para sa ligal na paglilipat ng kustodiya nito patungo sa Senado.

--Ads--

Pinangunahan ni Senate Secretary and concurrent clerk of court Renato N. Bantug Jr. sa pamamagitan ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ang pagbabalik sa naturang box sa BIR Office sa Quezon City ngayong araw, July 7, 2026.

Kasama ng mga ito ang ilang police escort.