Hiniling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamahalaan ng Canada na gawing mas malinaw at transparent ang ipinatutupad nitong bagong migration policy upang maging malinaw sa mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho roon ang kanilang kasalukuyang immigration status.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Bombo International News Correspondent sa Canada na si Ruth Marie Torio Magalong na mas naging mahirap na ngayon ang pagpasok sa Canada kaya mahalagang matutukan ang mga isyung may kinalaman sa migration upang mabigyan pa rin ng mas maraming oportunidad ang mga Pilipino.

Ayon kay Magalong, isa sa mga pangunahing suliranin ng mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa Canada ay ang hindi agad pagkilala sa kanilang educational credentials at professional qualifications.

--Ads--

Aniya, marami ring overseas Filipino workers na may sapat na karanasan at propesyonal na kakayahan ang nahihirapang makapasok sa kanilang larangan dahil hindi kinikilala ng Canada ang ilan sa kanilang work experience at mga kwalipikasyon.

Samantala, sinalubong ng kilos-protesta ang pagbisita ni Pangulong Marcos sa Canada.

Ayon kay Magalong, bagama’t may natanggap silang imbitasyon para sa meet-and-greet ng Filipino community kasama ang Pangulo, hindi na sila nagtungo sa naturang aktibidad dahil sa dami ng mga nagtipon para sa protesta.

Sa kabilang banda, ibinahagi rin ni Magalong na nananatiling positibo ang mga Canadian sa kabila ng hindi pag-abot ng kanilang pambansang koponan sa Round of 16 ng 2026 FIFA World Cup.

Aniya, malaking tagumpay na para sa Canada ang unang pagkakataong makalahok ang men’s national team sa FIFA World Cup, at nagsisilbi itong inspirasyon upang pagbubutihin at higit pang paunlarin ang kanilang kakayahan pagdating sa sports.