Dagupan City – Mahigpit na ipinatutupad ng pamahalaang bayan ng Dasol ang pansamantalang pagbabawal sa pagpasok ng mga buhay na baboy at lahat ng uri ng produktong gawa sa karne nito mula sa mga lugar na itinalaga bilang “African Swine Fever o ASF Red Zones.”

Ang hakbang ay inilunsad upang pangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng bawat mamamayan, at maprotektahan ang lokal na kabuhayan at industriya ng pag-aalaga ng baboy laban sa mabilis kumalat na sakit.

Nakasaad ang lahat ng alituntunin sa Executive Order no. 51, Series ng 2026, na nilagdaan mismo ni Municipal Mayor Rizalde J. Bernal.

--Ads--

Sa ilalim ng nasabing utos, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok mula sa mga apektadong lugar gaya ng mga buhay na baboy at baboy‑ramo, Sariwa o frozen karne ng baboy, Lahat ng uri ng processed pork products, Mga genetics materials tulad ng semilya at embryo at mga pagkain at kagamitang maaaring kontaminado o may dalang virus ng ASF

Upang matiyak ang pagsunod dito, magtatayo at babantayan ang mga itinalagang quarantine checkpoint sa mga pangunahing daanan at hangganan ng bayan.

Isasailalim sa masusing pagsusuri ang lahat ng sasakyang may dalang mga hayop o produktong karne.

Ang sinumang mapatutunayang lalabag ay hindi papayagang makapasok sa nasasakupan at maaaring harapin ang kaukulang pananagutan, maging ito ay administratibo, sibil, o kriminal ayon sa itinakda ng batas.

Ang mga ito ay pangangasiwaan ng mga kawani mula sa Provincial and Municipal Veterinary at Agriculture Office, mga kapulisan o PNP, pati na rin ang mga opisyal ng bawat barangay.

Nakikiusap ang lokal na pamahalaan sa buong kooperasyon ng mga mangangalakal, tagapamahala ng transportasyon, at mga mamamayan upang maging matagumpay ang hakbang na ito at manatiling ligtas ang buong bayan ng Dasol laban sa banta ng ASF.