Dagupan City – Hinikayat ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang lahat ng coastal local government units (LGUs), barangay, paaralan, at komunidad na paigtingin ang paghahanda laban sa lindol at tsunami kasunod ng patuloy na naitatalang earthquake swarm sa karagatan ng Bolinao.
Batay sa PDRRMC Memorandum No. 06, s. 2026, na inilabas sa pangunguna ni Pangasinan Governor at PDRRMC Chairman Ramon V. Guico III, inaatasan ang mga lokal na pamahalaan at mga komunidad na palakasin ang kanilang mga hakbang sa disaster preparedness.
Kabilang sa mga inirerekomendang hakbang ang regular na pagsasagawa at pakikilahok sa earthquake at tsunami drills, paghahanda ng bawat pamilya ng emergency go bag at family emergency plan, at pagtukoy sa mga ligtas na evacuation areas sakaling magkaroon ng sakuna.
Kaugnay nito, pinaalalahanan din ng PDRRMC ang publiko na makinig lamang sa mga opisyal na anunsyo at advisories mula sa mga awtoridad upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon.
Nagpaalala rin ang konseho sa mga residente na manatiling kalmado, maging alerto, at laging handa habang patuloy na mino-monitor ng mga kinauukulang ahensya ang sitwasyon sa karagatan ng Bolinao.










