Sa kabila ng inaprubahang P85 dagdag sa minimum wage sa National Capital Region (NCR), iginiit ni Julius Cainglet, Vice President ng Federation of Free Workers (FFW), na nananatili itong kulang upang matugunan ang epekto ng implasyon. Sa panayam sa Bombo Radyo Dagupan, sinabi niyang P200 na legislated wage increase ang kinakailangan upang mabawi ang nawalang halaga ng sahod ng mga manggagawa.

Kinuwestiyon din ni Cainglet ang pagpapatupad ng P85 wage hike sa installment na sistema nito. Aniya, hindi naghihintay ng installment ang mga utang at pang-araw-araw na pangangailangan ng mga manggagawa, kaya lalo lamang silang nababaon sa interes habang hinihintay ang kabuuang dagdag-sahod.

Tinutulan din niya ang paglalarawan ng DOLE Secretary sa wage increase bilang “historic.” Bagama’t ito ang pinakamataas na halagang ipinagkaloob ng isang wage board, sinabi niyang hindi ito historic batay sa porsyento. Aniya, umabot sa 39% hanggang 40% ang wage increase noong 1989, kumpara sa kasalukuyang kabuuang pagtaas na nasa 12%.

--Ads--

Nanawagan din ang FFW na ipatupad ang kaparehong pagtaas sa ibang mga lalawigan upang makahabol ang minimum wage sa labas ng NCR. Ayon kay Cainglet, matagal nang dapat naipatupad ang wage increase sa pamamagitan ng “supervening events” clause dahil sa krisis sa ekonomiya.

Binatikos din niya ang aniya’y kawalan ng seryosong koordinasyon ng Kamara at Senado sa panukalang P200 legislated wage hike. Aniya, tila ginamit lamang ang isyu noong kampanya dahil mabilis na naipasa ang bersyon ng panukala sa Kongreso, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito umaabot sa bicameral conference committee.

Pinuna rin ni Cainglet ang aniya’y “double standard” sa paghawak ng pamahalaan sa mga kilos-protesta. Aniya, mahigpit ang pagpapatupad ng mga permit sa mga manggagawang nagpoprotesta para sa sahod at laban sa korapsyon, ngunit naging “malambot” ang naging paghawak sa sorpresang rally ng isang relihiyosong grupo na nagdulot din ng perwisyo sa mga manggagawang papasok sa trabaho.

Muling nanawagan ang FFW sa mga mambabatas na ituon ang pansin sa pagpapatupad ng sapat na sahod, pagpapatigil sa kontraktwalisasyon, at pagkilala sa karapatan ng mga manggagawa na mag-organisa.